Sugatan ang limang miyembro ng tribong Manobo-Pulanguihon matapos pagbabarilin ang isang protestang dinaluhan ni presidential candidate Leody de Guzman sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon.
Matagal nang tinutuligsa ng mga Lumad ang pangangamkam ng Kiantig Development Corporation na pinangangasiwaan ni Pablo Lorenzo III, alkalde ng Quezon, Bukidnon, sa kanilang katutubong lupain.
Agad na isinugod sa ospital sina Nanie Abella, Bae Charita Anglao Del Socorro, Datu Didilusan Arroyo, Orlando Lingaolingao, at Robert “Eger” Dabatean matapos silang tamaan at daplisan ng mga bala noong tanghali ng Abril 19.
“Pagsulod namo sa erya samtang nagaplastar ang mga tao sa ilahan tulda pinaputukan kami. Ako ang unang tinamaan,” wika ni Abella, isa sa mga nasugatang lider-magsasaka at volunteer advocate.
(Papasok pa lang sa erya at habang inaayos ang mga tolda, pinaputukan na nila kami. Ako ang unang tinamaan.)
Pahayag ng Partido Laban ng Masa (PLM), agad na dumapa ang mga nasa pagtitipon nang magpaputok ng shotgun ang 50 mga armadong lalaki na hinihinalang mula sa paramilitary groups.
“Hindi pala uso ang negosasyon dito. Putukan kaagad pala,” ani de Guzman, na katabi ni Abella noong mangyari ang insidente.
Hindi na umano bago ang alitan sa pagitan ni Lorenzo at ng mga Lumad, ayon sa PLM. Noong 2015, nabawi ng tribong Manobo-Pulanguihon ang kanilang lupain matapos magbalak si Lorenzo na magpatayo ng plantasyon doon.
Binaril at pinaslang naman noong Pebrero 2017 si Renato Anglao, secretary-general ng Tribal Indigenous Oppressed Group Association (TINDOGA), na mariing tumutol sa pagpapatayo ng mga plantasyon sa Bukidnon.